Friday, October 22, 2010

Kuwento at Laban ng Ating mga Lola, Kuwento at Laban ng Bansa

Nasa elementarya pa lang ako nang una kong marinig at malaman ang tungkol sa mga comfort women. Nalaman ko ang kanilang kuwento sa pampaaralang komiks na binibigay sa aming mga mag-aaral. Doon ko unang nabasa ang mga salitang ‘comfort women’ subalit dahil bata pa ako ay hind ko pai masyadong naunawaan ang kanilang dinaanan. Nang tumuntong ako sa high school, hindi ko alam kung ano ang lecture namin noon pero ang naaalala ko ay ang kuwento ng guro namin tungkol sa kanyang ina. Ang sabi niya sa amin, kapag mayroong pumunta na mga sundalong Hapon sa kanilang lugar ay tinatago ng mga magulang ang kanilang mga dalagang anak. Ang kanya namang ina ay nilalagyan ng kulay dugo na pinta sa kanyang bestida upang magmukhang mayroong siyang regla. Ganito raw ang palageng ginagawa sa kanyang ina upang hindi siya makuha ng mga Hapon.

            Maituturing na ilan sa mga masusuwerte ang ina ng aking guro dahil sa hindi siya napagsamantalahan ng mga Hapon. Ganoon pa man, naroon naman ang kuwento ng marami pang mga babae na hindi nakawala sa paningin ng mga Hapon. Nakakalungkot na tila marami sa mga kuwentong ito ay hindi pa natin naririnig o hindi kaya’y atin nang nalimutan. Isa sa mga kuwentong nabigyan ako ng karangalan na marinig ay yaong kay Lola Tensya. Napasakamay siya ng mga Hapon sa loob ng tatlong buwan. Nakakatakot na sa akin ang isipin na tatlong buwang ginahasa ang isang babaeng labing-apat na taon pa lamang noon. Ang kuwento ni Lola Tensya ang talagang nagmulat sa akin damdamin sa mga sinapit ng mga comfort women noon panahon na sakop tayo ng Hapon. Balot man ng kalungkutan ay napansin kong nanaig parin ang pag-asa at ang pagkakaroon ni Lola Tensya ng lakas upang ipaglaban ang katarungang kanyang hiningi sa pamahalaan ng Hapon.

            Magpasahanggang ngayon ay hindi parin tapos ang pakikipagsapalaran ng iba nating mga lola na naging biktima ng karahasan ng mga Hapon. Aking tinitingala ang taglay na lakas ng mga lola ng Lila Pilipina. Kahit matanda na sila ay kaya pa nilang tumungo sa iba’t ibang bansa upang ipaglaban ang hinihinging katarungan. Ang nakakalungkot lamang bukod sa hindi pa sila nabibigyan ng tamang kaukulan ng pamahalaang Hapon ay tila hindi rin sila nabibigyan ng tamang pansin ng ating pamahalaan. Dahil sa bahagi rin ng ating kasaysayan ang kasaysayan ng ating mga Lola, ang kanilang laban ay atin na ring laban. Sana lamang sa kasalukuyan ay makamit na nila ang kanilang katarungan.  At kung hindi naman ngayon ay naroon parin ang bukas upang kanila at ating maipagpatuloy ang kanilang laban para sa katarungan.

No comments:

Post a Comment